DinoDirect Buy.com Engagement Ring Sale! Get her the ring she deserves! Save 7% on all fine jewelry purchases from WorldJewels.com. Code:

Maps

Monday, August 20, 2012

Republished Article

MULI (republished)—para sa ‘yo to “Buddy”

Malalim na ang gabi, medaling araw na nga, ngunit gising na gising ang aking diwa. Waring nang-iinis dahil nais ko nang magpahinga’t pagod na ang aking katawan --- pagod sa mga Gawain at marahil ay sa pag-iisip na rin, pag-iisip ng kung anu-ano lang. Muli narito na naman ako… nag-iisip, nagmumuni-muni. Hindi ko alam kung bakit ako ganito nitong mga huling araw. Kungsabagay, noon pa man ay ganito na ang personalidad ko, sentimental at may magkakataong gusto ay mag-isa lang.Maraming bagay ang naglalaro sa aking isipan. Personal na problem, lagi naman at hindi nawawala iyan. ‘Love life’ …huh…saying wala ako niyan. Pero hindi nangangahulugan na bato ako o dinaman kaya ay ‘bisexual’ tulad ng sabi ng iba, sa tingin ko ay hindi ko pa lang talaga “panahon”.

Sa aking pag-iisip, naalala ko ko tuloy ang isang kaibigan, matagal-tagal na rin kaming hindi nagkikita, ang mga masasaya naming mga karanasan---mga tagpo sa aking buhay na talagang kailanman ay hindi ko malilimutan. Marami akong mga bagay na natutunan sa kanya, mga bagay na hindi ko kailanman mapag-aaralan sa apat na sulok ng silid-aralan. Ang tunay na kahulugan ng buhay, ang realidad ng lipunan. Ngunit, bago ko pa man siya makadaupang-palad ay may alam na ako sa mga iyon, mga aral din akin ng akong mga kaibigansa larangang pinasukan ko…ang pagsusulat. Ngunit mas napatagos sa akin ang mga iyon dahil sa kanya, bunga na rin ng matiyagang pagkausap sa isang “pasaway” na tulad ko, ‘ ni minsan ay hindi siya nagsawa sa pagbibigay ng kaalaman at aral sa akin. Naalala ko nga minsan nang magpasalamat ako sa kanya dahil doon, hindi siya makapaniwala na marami akong natutunan sa kanya… Ang akala niya ay hindi siya makatulong sa aking pag-unlad. Napapikit ako. Inaalala ko ang mga sandaling kami ay magkasama, mga tagpong nagturo sa akin upang maging ako sa kinalalagyan ko ngayon. Ang maging matatag at maging handa sa anumang maaring mangyari. ‘Ika nga, lahat ng bagay ay nagbabago, walang permanente dito sa mundo. Kung ano ang kinalalagyan ko ngayon ay dahil sa kanya, wala ang isang “ako” kung wala ang isang tulad “niya”. Hindi ko na napigilang tumulo ang aking luha na kanina pang nag-aabang ng kanyang pagbuhos. Kung bakit? Hindi ko maipaliwanag.

Simula pa lang, bago pa ako maging isang manunulat, ay lagi ko nang pinagmamasdan ang paglubog ng araw at sa gabi naman ang sinag ng buwan. Wala na siguro pang gaganda pa sa mga panahon na iyon para sa akin, ‘senti’ nga ako ‘di ba. Bumalik sa aking gunita ng sabihin niya na magiging tulad ako ng ganda ng isang lumulubog na araw kung lagi akong ngingiti at kahit kalian ay hindi magkukunot ng aking noo. Natawa ako, siya lang ang nakapagsabi sa akin noon. Ngunit hindi ko ito gaanong binigyan ng pansin.

Sa aking paglalakbay sa iba’t-ibang lugar, lagi ko na itong ginagawa . Muli’t muli ko siyang naaalala, habang nagmamasid sa unti-unting paglubog ng araw hanggang maglaho at tuluyang lamunin ng karimlan. Haaayyy… ang saya ng tagpong iyon. Sana kasama ko siya ng mga panahon na iyon. Sana lagi ko siyang kapiling sa bawat dapit-hapon, ay pagkatapos ay sabay sana naming sasalubungin ang pagsikat ng buwan. Sana kasamako siya sa bawat oras na ako’y masaya at karamay naman sa bawat pagluha. Kung minsan nga naiisip ko na ayoko nang maging masaya…lalo lang kasi akong nalulungkot. Dahil ‘pag maligaya ako ay siya ang unang-unang pumapasok sa isipan ko. Naiisip ko kung Masaya rin ba siya sa panahon na iyon, dahil wala akong nais na makasama sa mga panahong masaya ako kundi siya lang.

Ngunit, kailanman ay hindi na mangyayari ang mga bagay na naiisip ko. Marahil hanggang pangarap na lamang ang mga bagay na iyon. Tanggap ko na hindi na magkakaroon pa ng pagkakataon na muli kaming magkikita at magkakasama. Hinanda ko na ang sarili ko, nang dumating na ang oras ng aming pamamaalam. At tila ayaw naming magpahayag nang aming pamamaalamsa aming huling pag-uusap. At pagkatapos ay wala na akong balita sa kanya. “The problem with saying ‘Hello’ is bidding ‘Goodbye’…” iyan lang ang masasabi ko. Ika nga sa kantang pinakikinggan ko:“Some good things never last…”

Kung nasaan man siya ngayon, hiing ko lang sana kahit minsan lang ay maalala niya ako. Dahil kailanman ay hindi ko siya kinalimutan at hindi nawala sa aking isipan. Baon ko ang mga alaala niya ay mananatili hanggang sa aking kamatayan. Bitbit ko ang mga aral mula sa kanya. Sana kahit minsan ay maisip niya na nandito lang ako palagi at habang-buhay na maghihintay at umaasa na darating din ang panahon na muling magkikita at magkakasama---muling pagsasaluhan ang bawat lungkot at saya, ang hirap at ginhawa. At higit sa lahat, hindi na maghihiwalay pa.

Iyon ay kung kami’y muli pang magkikita…

(The Catalyst Volume XVII Issue 5)


* Note: 
 Dahil bigla kitang naalala nang minsang isang gabi na gusto ko nang matulog upang makapagpahinga dahil sa ilang araw na ring pagpupuyat sa maraming ginagawa at bagahe sa mga usaping pampersonal, ninais kong gumawang muli ng isang artikulo na patungkol sa’yo…maraming mga salita, iba’t-ibang mga berso ang paulit-ulit na naglalaro sa isip ko, ngunit dahil sa kalagayang matagal-tagal na ring panahon na hindi ako nagsusulat dahil na rin sa naging linya ng mga gawain sa matagal na ring panahon, hindi ko mapagtagni-tagni ang mga salitang iyon para bumuong muli ng isa pang kwento o artikulong para sa’ yo kahit na ikaw pa ang maging inspirasyon ko para magawa ito at paumanhin para dito. Naisip ko na muli na lang ilathala ang dati ko nang likha para maipahayag kahit sa simpleng paraan ang pangungulila sa presensiya mo, upang maibahagi ko na lang din sa iba ang aking likha sa ibang pang mga kaibigan at kakilala. Batid kong mayroon nang nakabasa nito ngunit alam ko ng mas marami pa ang hindi, kaya nais ko lang siyang ibahagi…Kahit alam kong maaring hindi naman ito mabibigyan ng pansin ng mga taong makakabasa, ang gusto ko lang ay mabawasan kahit man lang konti ang nararamdaman kong lungkot dahil, sa mga panahong ito ay lalo kitang naalala. Dahil dati ay sa’yo ako kumukuha ng lakas ng loob para magpatuloy sa buhay…Batid kong wala rin naming saysay ang ginagawa kong ito dahil marahil ay wala namang paraan para mabasa mo ‘to. Ngunit sa isang banda alam ko ay ipagmamalaki mo hindi lang ako kung pati na rin ang sarili mo, dahil minsan sa buhay mo ay nakatulong ka sa pag-unlad ng isang indibidwal sa sarili mong paraan, at walang hanggan ang aking pasasalamat sa’yo para sa pag-unlad na ito. Hanggang ngayon ay bitbit ko pa rin ang mga bagay na natutunan ko sa’yo at sa mga oras na ito ay isa ka pa rin sa mga taong nagbibigay ng lakas sa akin. Ang tanging hiling ko lang ay kung nasaan ka man ay maalala mo ako kahit sandali sa buhay mo. Sana laging maayos ang kalagayan mo. Alam ko at umaasa akong darating pa rin ang panahon na muling magtatagpo ang ating mga landas sa tamang panahon…

At patuloy akong umaasa na mababasa mo rin ito…

No comments:

Post a Comment

Blog Advertising - Advertise on blogs with SponsoredReviews.com Blog Advertising - Advertise on blogs with SponsoredReviews.com
NOW for more discounts and deals: http://www.wholesale-dress.net/union-9956